Ang Antipolo ay isang lungsod sa Pilipinas na matatagpuan sa lalawigan ng Rizal, 25 km sa silangan ng Maynila. Ito ang pinakamataong lungsod sa Luzon sa labas ng Kalakhang Maynila at ika-pito naman sa buong bansa sa populasyong nitong 633,971 noong 2007.
Sa ilalim ng Batas Republika Blg. 8508, naging kabahaging lungsod ng Rizal ang Antipolo noong Abril 4, 1998 mula sa pagiging isang bayan ng naturang lalawigan. Pinasinayaan ang bagong kapitolyo ng Rizal sa lungsod noong Marso 2009, upang palitan ang kapitolyo nito sa Pasig na matagal nang nasa labas ng hurisdiksiyon ng lalawigan mula pa noong 1975 nang maging bahagi ng Kalakhang Maynila ang Pasig. Sa paglipat ng kapitolyo sa Antipolo, napipisil itong hirangin bilang bagong kabisera ng lalawigan. Ipinroklama bilang isang lungsod na mataas ang urbanisasyonni Pangulong Benigno Aquino III ang Antipolo noong Marso 14, 2011, ngunit ipinagpaliban sa 'di pa tiyak na panahon ang plebisito upang magkabisa ang nasabing proklamasyon.
Marahil na rin sa katanyagan ng Antipolo sa mga manlalakbay kaya't ipinakikilala ito bilang "Kabisera ng Paglalakbay sa Pilipinas". Ang imahen ng Mahal na Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay o Birhen ng Antipolo na nagbuhat pa sa Mexico noong 1626 at idinambana sa Simbahan ng Antipolo ay patuloy na dinadayo ng mga Pilipinong Katoliko mula pa noong panahon ng mga Español. Isa sa mga nakagawian ng mga milyun-milyong manlalakbay sa dambana ng Birhen ng Antipolo ay ang paglahok sa taunang "Alay Lakad" na ginaganap tuwing bisperas ngBiyernes Santo at Mayo 1. Kung saan magmula sa Simbahan ng Quiapo, kasunod ng ipinuprusisyong imahen ng Birhen ng Antipolo, at iba't-ibang bayan ng Rizal at Kalakhang Maynila ang mga deboto ay naglalakad lamang patungo sa Simbahan ng Antipolo. Nakagawian rin na ipinapabendisyon ang mga bagong sasakyan sa simbahan, sa paniwalang ito'y magbibigay proteksiyon at kaligtasan sa sasakyan at sa mga sasakay rito.
Ang mas mataas na kinatatayuan ng lungsod kumpara sa Kalakhang Maynila ay nagbibigay rito ng magandang tanawin ng Kamaynilaan, lalo na tuwing gabi. Popular sa mga dayo ang lokal na mangga, kasoy at suman. Ang dating sikat na Hinulugan Taktak, na dati-rati'y isa sa mga pangunahing dinarayo tuwing tag-init, ay pinagaganda upang muling maging isa sa mga pangunahing atraksiyon ng lungsod.

OK NMAN MASYADO LANG MALIIT ANG PICTURE..
ReplyDeletesa wiki yan ee... -_-
ReplyDelete